
Aalisin na ng pamahalaan ang nationwide ban sa Grok AI, ang artificial intelligence chatbot na binuo ng xAI, matapos ang pangakong pagsunod sa mas mahigpit na digital safety standards sa Pilipinas.
Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), nagbunga ang mga negosasyon sa developer ng AI upang baguhin ang ilang kakayahan ng sistema para sa lokal na merkado, partikular ang mga feature na maaaring magamit sa paglikha ng illicit deepfakes.
Naipatupad ang pagbabawal noong Enero matapos tukuyin ng mga regulator ang panganib ng non-consensual at sekswal na content, na itinuturing na banta sa kababaihan at mga menor de edad, dahilan upang ipatupad ang agarang pagharang sa access.
Sa ilalim ng bagong kasunduan, nangako ang xAI na aalisin ang image manipulation features, titiyakin ang ganap na pagbubukod ng pornographic content, at paiigtingin ang proteksyon laban sa child sexual abuse material (CSAM).
Bagama’t iaangat na ang ban, iginiit ng CICC na patuloy nilang imo-monitor ang platform upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagsunod sa mga batas at regulasyon ng bansa habang papalapit ang pormal na pagpapatupad ng mga teknikal na panuntunan.




