
MANILA — Arestado ng CIDG ang siyam na pulis at anim na sibilyan na konektado sa pagkawala ng ilang sabungeros matapos ipatupad ang mga warrant of arrest nitong Miyerkules. Ayon kay CIDG Director PMGen. Robert Morico II, ang mga pulis ay dati nang nasa restrictive custody, kaya agad silang naserbisyuhan ng mga warrant.
Ang anim na sibilyan naman ay dating security personnel at mga empleyado ng cockfighting arenas na may koneksyon kay negosyanteng Atong Ang. “Bago nangyari ang operasyon, sila ay nasa surveillance na,” ani Morico. Karamihan sa mga naaresto ay mula sa Region 4A.
Ayon sa CIDG, mayroong dalawang warrant of arrest laban kay Ang, kabilang ang limang kaso ng kidnapping na may kasamang homicide at anim na kaso ng kidnapping at serious illegal detention. Sa kabuuan, may 18 na akusado—sampu ang pulis, isa ay dating pulis na na-dismiss, at walong sibilyan kabilang si Atong Ang.
Hinimok ni Morico si Ang na sumuko ng maayos, habang nagpapatuloy ang operasyon at manhunt sa kanyang mga ari-arian sa Metro Manila at Region 4A. Binigyang-diin din niya na sinumang pipigil sa pagpapatupad ng warrant, kabilang ang mga security guards sa pribadong subdivision, ay maaaring kasuhan.
Tatlong akusado ang nananatiling nasa labas ng bansa: isang dating pulis, isang sibilyan, at si Atong Ang. Kapag nahuli na ang natitirang suspek, ibabalik ng mga awtoridad ang warrant sa korte upang tukuyin kung saan ikukulong ang mga akusado.




