
Ang kakaibang graham cake mula Guiguinto, Bulacan ang ikinatuwa ng netizens dahil sa disenyong mapa ng Pilipinas. Ibinahagi ni Bayan Patroller Richard Miguel Abe ang larawan kung saan nahulma ang cake sa Pyrex dish at ang crushed graham sa ibabaw ay tila mapa ng bansa. Krema at gatas ang nagsilbing puting background, habang crushed cookies ang palaman.
Kanya-kanyang hirit ang mga kaibigan at kamag-anak sa comment section kung saang parte ng cake sila hihiwa para matikman. Marami ang gusto sa parteng Palawan at Siargao, at may ilan ding nagbiro tungkol sa West Philippine Sea, sinasabing, "Palagyan ng bakod ung West Philippine Sea." Tinawag ng isa ang cake na "Philippine Graham of Resposibility."
Ani Bayan Patroller Richard, saglit lang niyang ginawa ang disenyo, umabot lamang ng 20 minuto. Masayang pinagsalusaluhan ng kanyang pamilya ang pambansang dessert sa kanilang family reunion ngayong Enero 1.




