
Ang makabagong pluma ng panahon ngayon ay artificial intelligence, at ito ang ginamit ni Pocholo De Leon Gonzales, kilala bilang Voice Master, upang buhayin si Dr. Jose Rizal sa isang AI animated series. Layunin ng proyekto na ilapit ang buhay, kwento, at aral ng pambansang bayani sa kabataang Pilipino sa gitna ng social media at mabilis na pag-usbong ng teknolohiya.
Sa serye, si Jose Rizal mismo ang tagapagsalaysay, gamit ang sariling boses ni Gonzales, na nagbahagi ng mga kwento at mahahalagang aral para sa bata at matanda. Ilan sa mga video ay umabot na sa milyong views, patunay na may interes pa rin ang publiko sa kasaysayan kung ito ay makabago at biswal ang paraan ng pagkukuwento.
Bilang handog sa Rizal Day, inilabas ang trailer ng bagong seryeng “Pepe: Ang Batang Henyo,” kung saan ang 10-anyos na Rizal ay napunta sa taong 2030 upang tulungan at iligtas ang kabataang Pilipino. Ayon kay Gonzales, libre ang serye at bukas para sa lahat bilang edukasyon at inspirasyon.
Ipinunto rin ng mga eksperto tulad ni Prof. Xiao Chua na mahalaga ang ganitong inisyatibo basta may masusing pananaliksik at tamang konteksto. Sa pamamagitan ng creative resistance, muling naipapakita ang laban ni Rizal kontra pang-aapi, pang-aabuso, at korapsyon, na nananatiling relevant hanggang sa kasalukuyan.




