
Ang dating alkalde ng Sto. Domingo, Nueva Ecija ay inaresto sa isang buy-bust operation sa Barangay Calipahan, Talavera kahapon ng umaga, ayon sa pulisya.
Kinilala ang suspek na si Marvin Pariñas, dating mayor, na nadakip matapos umano niyang magbenta ng shabu sa mga pulis na nagpanggap na buyer, ayon kay Col. Heryl Bruno, Nueva Ecija police director.
Ayon sa mga imbestigador, nasamsam mula kay Pariñas ang shabu na may tinatayang street value na P476,000, pati ang marked money na ginamit sa operasyon.
Isasampa laban kay Pariñas ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon kay Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones, Central Luzon police director.




