
Ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay naglabas ng bagong roster ng mga pangalan ng bagyo na gagamitin para sa taong 2026, kasabay ng ulat sa kasalukuyang lagay ng panahon at posibilidad ng isang tropical cyclone ngayong buwan.
Para sa 2026, gagamitin ng PAGASA ang Set II ng mga pangalan ng bagyo, nakaayos mula A hanggang Z (maliban sa titik X). Kabilang sa listahan ang Ada, Basyang, Caloy, Domeng, Ester, Francisco, Gardo, Henry, Inday, Josie, Kiyapo, Luis, Maymay, Neneng, Obet, Pilandok, Queenie, Rosal, Samuel, Tomas, Umbertoa, Venus, Waldo, Yayang at Zeny.
Pinalitan ng mga pangalang Ada, Francisco, Kiyapo at Pilandok ang Agaton, Florita, Karding at Paeng, na iniretiro matapos magdulot ng malawakang pinsala noong 2022. Ayon sa patakaran, nireretiro ang pangalan ng bagyo kung nagdulot ito ng 300 o higit pang nasawi o ₱1 bilyon pataas na pinsala.
Samantala, sinabi ng PAGASA na maaaring may mabuo o pumasok na isang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Enero, na posibleng tumama sa Eastern Visayas o Caraga, ngunit maaari ring umiwas sa bansa.
Patuloy na nakaaapekto ang northeast monsoon (amihan) sa Northern at Central Luzon, habang easterlies naman sa malaking bahagi ng bansa. Posible ring mabuo ang shear line, na maaaring magdulot ng malakas na ulan, pagbaha, pagguho ng lupa, at maalon na karagatan, lalo na sa Batanes, kaya pinapayuhan ang maliliit na sasakyang-dagat na mag-ingat.




