
Ang anim na taong gulang na batang babae ay nasagip matapos i-hostage ng hindi kilalang lalaki sa loob ng Ground Zero sa Marawi City, alas-7:50 ng umaga nitong Linggo.
Ayon sa pulisya, bigla na lamang pumasok ang lalaki sa bahay ng bata, kumuha ng kutsilyo at tinutok ito sa biktima. Umiiyak ang bata habang sinubukan ng mga tao sa paligid na kausapin at pakalmahin ang lalaki.
Sabi ni PCol. Ceazar Cabuhat, Lanao del Sur Police Provincial Office Director, napilitan ang isang pulis na paputukan ang suspek matapos makita ang dugo sa bata at hindi na nakikipag-usap ang lalaki. Natamaan ang suspek at na-release ang bata.
Agad na dinala sa ospital ang biktima na nagtamo ng sugat sa pisngi at braso. Dead on the spot ang lalaki habang patuloy ang imbestigasyon ng Marawi City PNP.
Nanawagan ang pulisya sa mga may nawawalang kaanak na maaaring nasa lugar na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan. Ayon kay PCol. Cabuhat, hindi kilala ang suspek at hindi rin siya taga-roon.



