
Ang food creator na si Ninong Ry ibinahagi kung paano siya nakagawa ng walong putahe para sa Noche Buena sa halagang P1,500 lamang. Ibinahagi niya ito sa kanyang vlog na "Mahirap sa 500 pero 1500 Kaya."
Ayon kay Ninong Ry, na-shoot ang video noong Nobyembre 12, bago pa lumabas ang usapin tungkol sa P500 Noche Buena budget ng DTI. “Ginawa namin ito para ipakita na sa P1,500, puwede kang maghanda ng Noche Buena na may dignidad para sa buong pamilya,” sabi niya.

Sa menu, kasama ang mga putaheng tulad ng chicken hamonado, fish shanghai, buko pie, laing, baked macaroni, tilapia escabeche, beef misono, at palitaw. Aniya, ang menu ay swak para sa pamilya ng apat hanggang lima.

Noong nakaraang buwan, sinabi ni Trade Secretary Cristina Roque na puwede pa ring magkaroon ng simpleng Christmas meal sa halagang P500 para sa pamilya ng apat o mas kaunti, base sa DTI price guide.




