
Ang PNP ay handang magbigay-seguridad kung matuloy ang panibagong Trillion Peso March, ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. Sinabi niyang sanay na ang pulisya sa malalaking pagtitipon, lalo na sa Metro Manila kung saan may ilang rally kada araw.
Tiniyak ni Nartatez na iginagalang nila ang kalayaan sa pagpapahayag, pero dapat itong gamitin nang may responsibilidad. Patuloy din umano ang pag-ayos ng mga security operation ng PNP para sa malalaki at maliliit na mobilization.
Umabot sa 90,000 katao ang lumahok sa 119 anti-corruption protests sa buong bansa. Sa Metro Manila, may hindi bababa sa 12 major assemblies, kabilang ang People Power Monument at San Sebastian-Recto area. Habang minamando ang mga protesta, tuloy rin ang paghahanap sa mga suspek sa flood control scam.
Binanggit ni Nartatez na may progreso na sa mga kasong nagmula sa mga nagdaang protesta, kung saan mahigit 200 katao ang nahaharap sa kaso sa ilalim ng BP 880, arson, physical injuries at inciting to sedition. Maaari pa umanong magkaroon ng ikatlong Trillion Peso March kung walang “big fish” na makukulong.
Sinabi naman ni Energy Secretary Sharon Garin na kung hindi lang siya bahagi ng gabinete ay sasali siya sa protesta laban sa korapsyon. Giit niya, walang pondo ang nasasayang sa DOE at mahigpit na mino-monitor ang mga proyekto ng pribadong sektor.
Samantala, kinondena ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pag-vandalize sa ilang bahagi ng Maynila matapos ang rally. Nakita ang mga spray-paint na “Oust Marcos-Duterte” at “ACAB” sa mga pader at istruktura kahit may babala na ang city government laban sa pagdumi ng pampublikong lugar.




