
Ang pulis sa Maynila ay humarang sa planong stage setup ng “Baha sa Luneta Rally 2.0” at ipinilit ang 15-minute limit para sa anti-corruption protest noong Linggo, Nobyembre 30.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), dapat ay maaga pang maisasara ang kalsada at maitatayo ang stage simula alas-12 ng madaling araw.
Pinigil ng pulis ang pag-set up dahil sa “no permit, no rally” policy.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno Domagoso na wala namang tutol ang Manila LGU sa rally, ngunit kailangan sana ng tamang koordinasyon sa MMDA at NPDC, dahil nasa ilalim ng NPDC ang Luneta.
Giit ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), nakipag-coordinate sila sa MMDA at sa Manila LGU.
Ayon sa grupo, malinaw na pulisya ang nagharang at malamang ay may “basbas ng Palasyo.” Hinamon nila ang Manila LGU at MMDA na panindigan ang napag-usapan.
Kahit hindi pinayagang mag-set up, binigyan ang grupo ng 15 minuto para magsagawa ng protest action.
Tiniyak ni Bayan Secretary General Mong Palatino na tutuloy ang protesta.
Sa hiwalay na pahayag, kinondena ng Bayan ang naging hakbang ng pulis.
Sabi nila, ang pagharang ay malinaw na paraan para guluhin ang paghahanda at pigilan ang tao sa pagdalo, kasabay pa ng “overkill” na seguridad sa paligid ng Recto, Mendiola, at Malacañang.




