
Ang Land Transportation Office (LTO) ay mag-uumpisa nang mag-impound ng e-bikes at e-trikes na mahuhuling dumadaan sa major roads simula December 1, ayon sa pagdinig sa Senado tungkol sa budget ng Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na handa silang higpitan ang pagbabawal sa mga e-bike at e-trike sa pangunahing kalsada. Ipinahayag ni Sen. JV Ejercito na nag-commit ang LTO na lahat ng mahuling e-trike sa kalsada ay aarestuhin at i-impound.
Binigyang-diin ni Sen. Raffy Tulfo na karamihan sa mga e-bike at e-trike drivers ay walang rehistro, lisensya, at insurance, ngunit malaya pa ring nakakapagbiyahe. Ilan umano sa mga ito ay nabigyan ng franchise ng ilang LGU kahit bawal sila sa main roads.
Nagpanukala si Tulfo na dapat magkasundo ang LTO at LGUs sa malinaw na regulasyon para sa e-bikes at e-trikes, habang hindi naman napapabayaan ang hanapbuhay ng traditional tricycles. Kaya iminungkahi niyang pag-isipan ang requirement na magkaroon ng driver’s license ang mga operators at drivers.
Ayon sa DOTr, bago simulan ang paghuli, magsasagawa muna sila ng information drive simula December 1 upang mabigyan ng paalala ang publiko. Pagkatapos nito, tuloy-tuloy na ang strict enforcement at automatic impound sa mga mahuhuli sa major roads.




