
Ang pamilya at mga kapatid ng Pinay OFW na si Rhodora “Jackie” Alcaraz ay humihingi ngayon ng tulong sa pamahalaan. Nasa ICU pa rin si Alcaraz matapos ma-trap sa sunog sa Tai Po, Hong Kong kung saan siya na-suffocate at nakalanghap ng makapal na usok habang inililigtas ang kanyang alagang sanggol.
Bagong dating lang si Alcaraz sa Hong Kong noong November 25 at isang araw pa lang nagtatrabaho bilang babysitter nang mangyari ang trahedya. Ayon sa kanyang mga kapatid na sina Rachell at Corie Toñacao, wala pa silang nakukuhang malinaw na update mula sa OWWA o sa agency ng kanilang kapatid. Umaasa lang sila ngayon sa impormasyon mula sa kamag-anak na nasa Dubai.
Nanawagan ang pamilya na sana ay magtulungan ang OWWA at ang agency ng OFW upang mabigyan sila ng malinaw na impormasyon tungkol sa kalagayan ni Alcaraz. Hiling din nila na sana ay payagan ang isa sa kanila na makapunta sa Hong Kong para personal na makapagbantay sa kanilang kapatid habang ito ay nagpapagaling.
Nag-abot naman ng food pack at bigas ang OWWA Regional Office sa pamilya ni Alcaraz. Pero sabi ng kanyang mga kapatid, mas kailangan ng OFW ang tulong para sa kanyang gamutan, hindi para sa pamilya. Ayon sa kanila, marami pang nakakabit na aparato sa katawan ni Alcaraz at malayo pa ang kanyang pagbangon.
Sa kabila ng nangyari, ipinagmamalaki ng pamilya ang ginawa ni Alcaraz na itinuturing na ngayon ng mga taga-Hong Kong bilang isang “bayaning babysitter.” Hindi niya iniwan ang tatlong-buwang sanggol at lumabas siya mula sa apoy na yakap ang bata na binalot niya ng basang kumot. Patuloy na humihiling ang pamilya ng agarang tulong at malinaw na impormasyon mula sa mga kinauukulan.




