
Ang Honda Cars Philippines ay naghahanda para sa kanilang 35th anniversary at tampok dito ang preview ng all-new Honda Prelude. Gaganapin ang Honda Fest mula December 5 hanggang 7, 2025, 10 AM hanggang 10 PM, sa Promenade Parking ng Festival Mall, Muntinlupa City.
Ipinakilala nitong September, ang bagong electrified sports coupe ay dinisenyo para ibalik at iangat ang saya ng pagmamaneho. Pinagsasama nito ang two-motor hybrid-electric powertrain ng Honda at ang performance platform ng Civic Type R para magbigay ng precise steering, mabilis na handling, at komportableng biyahe araw-araw.
Sa loob ng makina, gumagamit ang Prelude ng 2.0-liter Atkinson engine na may two-motor system na umaabot sa 200 hp at 315 Nm torque. Naka-partner ito sa E-CVT Transmission na may bagong S+ Shift System, na nagbibigay ng simulated gearshifts, rev matching, at downshift blips para sa mas engaging na driving feel.
Kasabay ng preview, ipapakita rin ng Honda ang dating at kasalukuyang modelo nito. Makikita ng bisita ang mga kotse na may modernong teknolohiya gaya ng Honda Connect, Honda Sensing, at e:HEV full hybrid system. May test drive din para sa iba’t ibang models tulad ng City, Civic RS e:HEV, CR-V RS e:HEV, HR-V, BR-V, at Brio.
Magiging unang pagkakataon din ito na makita ng publiko ang Pro Honda Engine Oil para sa kotse. May mga giveaways, merchandise, at aftersales services tulad ng oil change, free 20-point check-up, at 35% discount sa synthetic oil, washers, at oil filters.
Makikilahok din ang Honda Philippines, Inc. na mag-aalok ng test ride para sa electric bikes na EM1 e: at CUV e: at isang road safety simulation para sa mga bata. Sa huling araw, magkakaroon ng special car display mula sa mga miyembro ng Honda Club of the Philippines.
Isang special program ang magbubukas sa event sa December 5, 10:00 AM.




