
Ang MMDA enforcer at isang driver ang nasugatan matapos mag-agawan ng baril sa isang anti-colorum operation sa Barangay Ayala-Alabang, Muntinlupa nitong Miyerkules.
Ayon sa NCRPO, hinarang ni enforcer Mark Anthony Piopongco, 36, ang isang puting van sa Filinvest Exit ng Acacia Avenue, alas-9 ng umaga. Humingi ng paumanhin ang 48-anyos na driver at humiling na mailapit lang sa gilid ang van para makababa ang senior citizen na pasahero. Habang nakababa na ang mga pasahero, biglang bumunot ng baril ang driver at nagpambuno sila, dahilan para parehong tamaan sa hita.
Agad na rumesponde ang Ayala Police Sub Station at nakumpiska ang kalibre .45 na baril ng driver. Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, magbibigay sila ng medical, financial, at legal support sa biktima. Magsasampa rin ng kaso at administrative action laban sa driver habang i-i-impound ang kanyang van.




