
Ang mga ‘big fish’ sa flood scam ay posibleng maaresto sa loob ng limang linggo, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla. Kasama sa mga target ang ilang senador, kongresista, at ang pamilyang Discaya, na umano’y sangkot sa malakihang katiwalian sa mga proyekto ng DPWH-MIMAROPA.
Sinabi ni Remulla na ang iba pang akusadong hindi pa nahuhuli ay nasa Qatar at United States. Binigyan sila ng palugit hanggang bukas upang sumuko sa pinakamalapit na embahada ng Pilipinas. Ayon sa DILG, hawak na nila ang mga passport ng mga suspek kaya madali silang matutunton saan man pumunta.
Mahirap umano mahanap ang itinuturong utak ng scam na si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co dahil mayroon siyang dalawang passport. Ayon kay Remulla, nakita ng tracker teams ang galaw ni Co sa Europe, Asia, at US. May isa ring suspek na naaresto sa bahay ng isang vice mayor sa Mindoro, na posibleng makasuhan ng obstruction of justice.
Ipinahayag ng PNP na magkakaroon ng kaso ang sinumang magtago o tumulong sa mga takas. Sinabi rin ng BJMP na wala umanong special treatment para sa mga sumukong opisyal. Mananatili sila sa iisang selda, kasama ang 24-hour medical services, regular na dalaw, at karaniwang pagkain na nagkakahalaga ng P100 kada araw.
Sa Kongreso, ipinatawag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sina Quezon City Rep. Arjo Atayde at Caloocan Rep. Dean Asistio matapos silang idawit ng kontraktor na si Curlee Discaya. Kapwa nilang itinanggi ang akusasyon at nangakong magsusumite ng mga dokumento bilang bahagi ng imbestigasyon.




