
Ang sigalot sa pamilyang Marcos ay lalong uminit matapos aminin ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na siya at ilang kamag-anak ay matagal nang nababahala sa kilos ni Senator Imee Marcos.
Sa isang press briefing nitong Nobyembre 24, sinabi ni Marcos na ayaw niyang talakayin ang problema sa pamilya sa publiko, pero hindi niya maitatanggi ang kakaibang asal na napapansin umano sa kanyang kapatid.
Binigyang-diin niya na, “Matagal na kaming nag-aalala kay Imee… ang nakikita n’yong nagsasalita sa TV, hindi ’yon ang kapatid ko.”
Nang tanungin kung nakausap na niya si Imee, sinabi ng Pangulo na hindi na sila magkaka-usap at hindi na sila “nagkakasabay sa parehong mundo, pulitikal man o personal.”
Hindi naman nagpatumpik-tumpik si Imee at agad na naglabas ng maanghang na tugon sa social media matapos ang isang oras. Sinabi niya: “Bongbong, ako ’to. Ikaw ang may nakikitang iba. Patunayan mong mali ako.”
Lalong lumawak ang hidwaan ng magkapatid matapos ang 2025 midterms, kung saan kumalas si Imee sa administration slate at kumampi sa grupo ni Vice President Sara Duterte, dating kaalyado pero ngayo’y karibal ng Pangulo.
Ayon sa ilang analyst, ang alitang ito ay maaaring bahagi ng mas malalim na pagpapakitang-lakas na posibleng makaapekto sa darating na halalan.




