
Ang ulat ng United Nations ay nagsabi na isang babae sa mundo ang napapatay kada 10 minuto ng taong malapit sa kanya. Ayon sa UN Women at UNODC, tinatayang 50,000 babae at bata ang napatay ng kanilang partner o kamag-anak noong 2024.
Sinabi sa report na 60% ng pinapatay na babae ay biktima ng asawa, kasintahan, o kamag-anak tulad ng ama, ina, tito, o kapatid. Sa mga lalaki, 11% lang ang pinapatay ng taong kilala nila.
Ipinakita rin sa datos na ito ay katumbas ng 137 babae kada araw, o isang biktima bawat 10 minuto. Kahit bahagyang mababa ang bilang kumpara sa nakaraang taon, hindi ibig sabihin na bumaba ang kaso dahil nagkakaiba ang datos kada bansa.
Ayon sa UN, ang bahay pa rin ang pinaka-delikadong lugar para sa mga babae at bata dahil dito nangyayari ang karamihan ng pagpatay. Pinakamaraming kaso ay mula sa Africa, na umabot sa 22,000 noong 2024.
Dagdag pa ng UN, tumitindi rin ang online na pang-aabuso tulad ng non-consensual image-sharing, doxxing, at deepfake videos. Nanawagan sila na magkaroon ng mas malinaw na batas para maprotektahan ang mga babae at maparusahan ang mga salarin bago pa maging nakamamatay ang sitwasyon.




