
Ang tatlong lalaking napatay sa isang operasyon ng PDEG sa Cubao, Quezon City ay hindi pala may dalang shabu. Ayon sa PNP Drug Enforcement Group, ang mga nakuhang “bricks” ay negatibo sa droga base sa laboratory test.
Ayon kay Brig. Gen. Elmer Ragay, ang laman ng mga pakete ay noodles at maliliit na bato, na mukhang ginawa para dayain ang buyer. Sinabi pa niya na may video ang pulisya ng nangyari sa operasyon at ito ay bahagi ng isang drug bust na kanilang isinasagawa.
Naganap ang operasyon noong Nobyembre 18 malapit sa isang gasoline station sa Barangay Socorro. Habang hinahabol ng mga operatiba si “Dan” at tatlo niyang kasama, umano’y nagpaputok ang mga suspek kaya gumanti ang mga pulis. Patay ang tatlo sa lugar at nakuhang baril na sinasabing ginamit nila.
Sinabi pa ni Ragay na ang negatibong drug test ay hindi nagpapahina sa kaso dahil matagal nang mino-monitor ang grupo mula pa Agosto. Mayroon ding intelligence packet bilang basehan ng operasyon.
Inilunsad na ng Internal Affairs Service ang isang motu proprio investigation dahil sa paggamit ng baril sa insidente. Patuloy ang follow-up operations para mahanap ang ika-apat na suspek na nakaligtas tumakas.




