
Ang grupo ng G7 foreign ministers ay muling nagpakita ng pagtutol sa mga kilos ng China sa South China Sea. Nagpahayag sila ng malaking pag-aalala sa paggamit ng water cannon at mga galaw na maaaring magdulot ng panganib sa paglalayag at paglipad sa lugar. Iginiit nila na ang 2016 arbitral ruling ay binding at dapat igalang ng mga sangkot.
Sinabi pa ng grupo na hindi dapat magkaroon ng unilateral actions na magbabago sa kasalukuyang sitwasyon, lalo na kung may halong pwersa o pamimilit. Muli nilang binigyang-diin ang pangangailangan ng kapayapaan at stabilidad sa rehiyon, kasama na ang Taiwan Strait.
Kamakailan, isang Philippine vessel ang tinamaan ng water cannon at binangga pa noong Oktubre 12. Ito ay isa sa mga sunod-sunod na insidente na kinasasangkutan ng mga barkong Chinese laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Sa kabilang panig, tinanggihan ng Beijing ang pahayag at itinuring itong pakikialam. Ayon sa tagapagsalita ng foreign ministry ng China, mali ang pagkaka-representa ng mga pangyayari at sinabing nananatiling "stable" ang sitwasyon sa mga dagat na pinag-uusapan.
Giit pa ng China, ang isyu sa Taiwan ay bahagi ng kanilang internal affairs. Hinimok nila ang G7 na tumigil sa paglalabas ng pahayag na, ayon sa kanila, ay nagpapalala lang ng sigalot.
