
Ang mga prank callers ay patuloy pa ring gumagawa ng bogus calls sa 911 emergency hotline kahit may mahigpit na babala mula sa gobyerno. Mula Sept. 11 hanggang Nov. 9, umabot sa 146,463 ang mga natanggap na tawag, at 22,541 dito ay prank calls o 15.39% ng kabuuan.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government, may geolocator ang 911 kaya puwedeng mahanap ang gumagawa ng prank call. May mga ordinansa rin ang bawat lungsod na may multa at posibleng kulong para sa mga mapanlokong tumatawag.
Sinabi naman ng PNP na kahit marami ang prank calls, mas marami pa rin ang legitimate calls. Sa datos, 28,423 ang mga tawag na nagresulta sa agarang police response. Mayroon ding 1,941 fire incidents at 8,058 medical calls na naitala.
Pinakamalaki sa bilang ay higit 82,500 calls na may kinalaman sa public safety, coordination sa iba’t ibang ahensya, at mga non-emergency concerns. Kabilang dito ang 7,200 tawag tungkol sa public disturbance at 7,300 kaugnay ng crimes against persons.
Ayon sa PNP, nagpapakita ang dami ng legitimate calls na tumataas ang tiwala ng publiko sa 911 system. May average response time itong 4 minutes and 28 seconds, na nagpapakita ng mas mabilis at epektibong serbisyo—isang tanda ng mas makabagong at accountable na police force.




