
Ang bangkay ng isang 15-anyos na dalagita na anim na buwan nang nawawala ay natagpuan sa isang abandonadong bahay sa Laak, Davao de Oro. Halos kalansay na ang katawan at nasa advanced state of decomposition nang madiskubre ng mga batang naglalaro at namimitas ng prutas sa lugar.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakita ng mga bata ang katawan sa Purok 13, Barangay Poblacion nitong Lunes ng umaga. Agad nila itong ini-report sa mga awtoridad. Kinilala ng pamilya ang biktima bilang si “Baby,” 15 taong gulang, base sa damit na suot niya bago siya mawala noong Abril 17.
Lumabas sa imbestigasyon na nagpaalam si Baby na makiki-piso WiFi lamang sa kapitbahay, ngunit hindi na siya nakauwi. Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang cellphone ng biktima.
Sinabi ni Police Captain Jussibelle Abellon na mayroon nang mga persons of interest at patuloy ang imbestigasyon. Isasailalim din sa autopsy ang katawan para malaman ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.
Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa mga posibleng suspek upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng dalagita.




