
Ang dating kongresista na si Zaldy Co, dating chairman ng appropriations committee, ay iniimbestigahan matapos lumabas sa ulat ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na may mga maletang puno ng pera na umano’y dinala sa bahay niya sa Pasig. Ayon sa ulat, ang bahay ay ginagamit lang bilang taguan ng pera.
Base sa testimonya ng dating DPWH engineers na sina Henry Alcantara at Brice Hernandez, sinabi nilang nagkaroon ng halos 426 flood control projects mula 2022 hanggang 2025 na nagkakahalaga ng ₱35.024 bilyon. Ipinahayag ni Alcantara na humihingi umano si Co ng 25% kickback mula sa halaga ng bawat kontrata.
Ayon sa ulat, ang ₱50 milyon ay kasya sa isang malaking maleta, habang ang maliit ay may ₱30 milyon hanggang ₱40 milyon. Kada delivery, mayroong lima hanggang anim na maletang puno ng pera na dinadala gamit ang pito o higit pang sasakyan. Ipinadala umano ang pera sa parking area ng isang hotel sa Taguig at sa bahay ni Co sa Valle Verde 6, Pasig City.
Sinabi ni Hernandez na mula 2022 hanggang 2024, may labing-walong beses silang nag-deliver ng cash. Sa unang quarter ng 2025, nadiskubre niya na walang kahit anong gamit sa bahay ni Co kundi puro maletang puno ng pera.
Batay sa ICI, posibleng makasuhan si Co ng Direct o Indirect Bribery, Corruption of Public Officials, at Plunder dahil sa umano’y kickback scheme na ito.




