
Ang isang 70-anyos na lola ay natagpuang patay at duguan sa kanyang kwarto sa bahay ng hipag sa Barangay San Isidro, Taytay, Rizal. Ayon sa pulisya, ang suspek ay 49-anyos na babae, dating caregiver ng kaanak ng hipag ng biktima.
Base sa imbestigasyon, nagkausap ang biktima na si Rosie Mon at ang suspek bago ang insidente. Nangako ang biktima na tutulungan itong maghanap ng trabaho bilang labandera. Galing pa umano sa Rodriguez, Rizal ang suspek at bumiyahe papuntang Taytay para makipagkita.
Kinabukasan, natagpuan ang biktima na patay. Nahuli ng mga pulis ang suspek sa bahay ng anak nito sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal. Umamin siya sa krimen ngunit sinabi na self-defense lamang daw ito matapos umano siyang saktan ng biktima gamit ang kahoy.
Kwento ng suspek, nagalit siya matapos umanong insultuhin ng biktima ang kanyang pamilya. Sa sobrang galit, pinukpok niya ng electric grinder sa ulo ang matanda nang ilang ulit. Ayon sa pulisya, hindi bababa sa walong beses ang pagkakapukpok. Ang sanhi ng kamatayan ay matinding pagdurugo (hemorrhagic shock).
Labis ang pagsisisi ng suspek at humingi siya ng tawad sa pamilya ng biktima. Ngunit para sa pamilya, hustisya pa rin ang kanilang hiling. “Ang ginawa niya ay napakasakit para sa amin. Sana pagbayaran niya ang krimen niya,” ayon sa kapatid ng biktima.




