
Ang Department of Agriculture (DA) ay magpapatupad ng mas mahigpit na market monitoring para siguraduhing nasusunod ang price cap na ₱43 kada kilo sa imported rice habang may import suspension. Binalaan ng ahensya na papatawan ng parusa ang mga lalabag sa patakaran.
Ayon sa DA, nagpadala na sila ng market teams para beripikahin ang mga ulat ng sobrang taas ng presyo sa mga pamilihan. Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang mga mahuling nag-overprice ay bibigyan ng show cause order o ipatatawag para magpaliwanag.
Dagdag pa ni Laurel, sapat pa rin ang supply ng bigas kahit palawigin ang suspensyon. Sa pagtatapos ng 2024, may 1.2 milyong metric tons na sobrang imported rice ang bansa, at nadagdagan pa ng 800,000 metric tons sa unang siyam na buwan ng 2025.
Inaasahan na palalawigin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dalawang buwang import freeze hanggang Disyembre upang mapatatag ang presyo ng palay matapos bumaba sa ₱8 kada kilo sa ilang probinsya dahil sa labis na suplay at masamang panahon.
Bagaman tumaas ang demand para sa imported na bigas, sinabi ni Laurel na hindi dapat tumaas ang presyo ng imported rice sa higit sa ₱43 kada kilo na suggested retail price.




