Ang Bicolano broadcaster na si Noel Bellen Samar ay pumanaw noong Martes, Oktubre 21, matapos siyang barilin ng hindi kilalang lalaki sa Guinobatan, Albay.
Si Samar, 54-anyos, ay kilalang radio reporter ng Kadunong Internet TV at 92.3 DWIZ. Ayon sa ulat ng pulisya, pinaputukan siya bandang 9:05 a.m. noong Lunes, Oktubre 20, habang nasa nasabing bayan.
Agad siyang dinala sa Bicol Regional Hospital and Medical Center matapos magtamo ng apat na tama ng bala sa dibdib at tiyan. Nakalinya sana siya para sa operasyon ngunit binawian ng buhay bandang 2:20 p.m. kinabukasan, ayon kay Major Maria Luisa Tino ng Special Investigation Task Group.
Nanawagan naman ang Commission to Protect Journalists (CPJ) at ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na imbestigahan agad ang nangyari. Ayon sa kanila, ang ganitong mga atake ay banta sa kalayaan ng pamamahayag at dapat aksyunan ng gobyerno.
Nagpahayag ng pakikiramay ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) sa pamilya ni Samar at tiniyak na patuloy ang imbestigasyon para makamit ang hustisya. Dagdag pa rito, nangakong mananatiling tapat ang pamahalaan sa pagprotekta sa mga mamamahayag sa bansa.