
Ang dating senador Antonio Trillanes IV ay nagsampa ng plunder complaint laban kay Sen. Bong Go, mga kamag-anak nito, at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y paglustay ng halos ₱7 bilyon sa mga proyekto sa Davao. Isinumite ni Trillanes ang reklamo sa Office of the Ombudsman nitong Martes, Oktubre 21.
Kasama sa reklamo ang ama at half-brother ni Bong Go, na umano’y may-ari ng CLTG Builders at Alfrego Builders. Ayon kay Trillanes, mula 2016 hanggang ngayon, nakakuha umano ang mga kompanyang ito ng mga kontratang aabot sa ₱7 bilyon, karamihan sa Davao City at iba pang lugar sa Davao Region kung saan nanungkulan ang mga miyembro ng pamilyang Duterte.
Sinabi rin ni Trillanes na humigit-kumulang ₱816 milyon sa mga kontrata ay galing sa joint venture ng CLTG Builders, Alfrego Builders, at St. Gerrard Construction. Giit niya, ginamit umano ang koneksyon sa politika para mailusot ang mga proyekto, na aniya ay malinaw na halimbawa ng plunder.
Hindi ito ang unang reklamo ni Trillanes. Noong Hulyo 2024, nagsampa rin siya ng plunder at graft case laban kina Duterte at Go dahil sa mga kontratang umabot sa ₱6.6 bilyon na umano’y napunta rin sa mga kumpanyang konektado sa pamilya Go.
Ayon kay Trillanes, hindi inimbestigahan ang unang reklamo dahil sa umano’y pagtatakip ng dating prosecutor general. Idinagdag pa niya na “hindi man lang isang oras ang ginugol sa imbestigasyon,” kaya ngayon ay muling inihain ang kaso na may dagdag na ebidensya.