
Ang isang 80-anyos na ginang sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City, ay dalawang oras na hinostage ng kanyang lasing na anak Sabado ng gabi, Oktubre 18. Gamit ng anak ang isang replika ng baril para takutin ang kanyang ina.
Agad nakatawag ng tulong ang biktima matapos siyang makadungaw sa balkonahe. Mabilis na rumesponde ang SWAT team ng Mandaluyong Police sa loob ng 10 minuto. Tumagal ng halos isang oras ang negosasyon bago pasukin ang bahay at arestuhin ang 53-anyos na suspek.
Ayon kay Police Capt. Juanito Arabejo, nakatulong ang layout ng bahay na ibinigay ng kamag-anak para maisagawa nang ligtas ang operasyon. Naabutan ng pulis ang anak sa loob habang binabantayan ang kanyang ina sa kwarto.
Narekober sa lugar ang replika ng baril na ginamit panakot. Base sa imbestigasyon, dati nang sinasaktan ng suspek ang kanyang ina tuwing nalalasing. Isinailalim sa medical check-up ang ginang dahil sa labis na takot.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa anak, na posibleng humarap sa criminal charges dahil sa pangho-hostage at pananakit.