
Ang dalawang lalaki ay nahuli ng PNP-ACG matapos silang maaktuhan na nag-ooperate ng sasakyan na may IMSI catcher, isang high-tech device na ginagamit sa text scam sa Mandaluyong at Makati.
Ayon kay Police Brigadier General Bernard Yang, ginagamit ang device para makuha ang mga mobile numbers ng mga tao sa paligid. Pagkatapos, nagpapadala sila ng phishing SMS gaya ng "claim your reward" na nagmumukhang galing sa mga lehitimong kumpanya. Kapag nag-reply ang biktima at nagbigay ng personal na detalye, dito na sila maloloko.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang IMSI catcher, SMS blaster, at iba pang ICT equipment na agad ibinigay sa NTC. Kumpirmado na wala silang pahintulot para mag-operate nito. Lumabas din sa imbestigasyon na ang dalawa ay hindi magkakilala ngunit parehong inutusan ng isang sindikato na pinamumunuan umano ng isang babaeng Pilipina na may asawang Chinese.
Nahaharap ang mga suspek sa kaso ng hindi awtorisadong paggamit ng telecom equipment, paglabag sa data privacy, at iba pang cybercrime violations. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matunton ang mga utak ng operasyon at kung may kaugnayan ito sa mga POGO group.
Pinapaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa mga kahina-hinalang text o email, huwag basta mag-click ng links, iwasang magbahagi ng personal na impormasyon, at agad mag-report sa otoridad.