
Ang malungkot na pangyayari ay naganap sa Barangay Kawayanin, Pitogo, Quezon kung saan limang miyembro ng pamilya ang namatay matapos mabagsakan ng malaking puno ng buli habang nananalasa si Bagyong Ramil nitong Linggo ng umaga.
Nakilala ang mga biktima bilang si Alvin Peña, 35; ang kanyang asawa na si Jean Andrea Peña, 35, isang konsehal sa barangay; ang kanilang dalawang anak na edad 11 at 2; at ang ama ni Jean, si Alberto Bueno, 67. Ang pinakamatandang anak na 17 anyos ay nakaligtas.
Ayon sa kamag-anak na si Jobert Bueno, biglang bumagsak ang puno bandang alas-5 ng umaga. Natamaan sa ulo ang mga natutulog kaya’t hindi na nakaligtas. Ang puno ay sobrang laki at dati nang sinubukang sunugin ang base, na posibleng nagdulot ng pagkabulok ng puno.
Dagdag pa ni Jobert, dapat sanay maghahanda ang pamilya para sa ika-18 kaarawan ng panganay sa Oktubre 30. Ngayon, sa sementeryo na lang sila magkikita para mag-alay ng dasal at pag-alaala.
Nagbigay na ng paunang tulong ang lokal na pamahalaan ng Pitogo para sa lamay ng mga biktima.