Ang apat na lalaki na nagpanggap na pulis ay nangholdap sa isang alahero at kasama nitong rider sa Brgy. 174, North Caloocan. Nangyari ang insidente noong Biyernes ng gabi.
Kwento ng biktima na si alyas Jun, 28-anyos, nakipagtransaksyon siya sa isang babae online tungkol sa pagbili ng alahas. Nag-video call pa sila at nagpalitan ng larawan kaya kampante siyang makipagkita.
Pagdating sa lugar ng meet-up, sinalubong sila ng apat na lalaki sakay ng dalawang motorsiklo. Pinadapa sila sa harap ng isang coffee shop at tinutukan ng baril. Kinuha ang cellphone, bag na may ₱272,000, dalawang cellphone, at ilang ID.
Ayon sa kasama niyang si alyas Nestor, tumutol siya noong kukunin ang gamit pero pinukpok siya ng baril sa ulo. Pahayag ng pulisya, planado ang krimen dahil inilipat pa ang lugar ng meet-up mula Quezon City papunta sa Caloocan.
Nagpaalala ang mga awtoridad na huwag basta magtiwala sa online kausap. Mas ligtas kung gagawin ang transaksyon sa neutral at mataong lugar, lalo na kung malaki ang halaga ng pera ang kasama. Patuloy ang imbestigasyon para makilala at mahuli ang mga suspek.