Ang isang tricycle driver ay inaresto matapos niyang manapak sa isang Grade 6 na estudyante sa Barangay Sto. Cristo, Tarlac City nitong Martes ng umaga.
Ayon sa ulat ng Tarlac City Police, naglalakad ang estudyante kasama ang dalawang kaibigan nang bigla siyang sinundan ng suspek at sinuntok sa ulo. Makikita sa CCTV na muntik nang matumba ang bata bago tumakas ang driver.
Natunton ng mga pulis ang suspek matapos makilala ang body number ng tricycle. Lumabas sa imbestigasyon na ang sasakyan ay pag-aari ng tatay ng suspek at hiram lamang nito sa araw ng insidente. Ayon sa pamilya, ang driver ay may problema umano sa pag-iisip.
Agad na dinala ang estudyante sa ospital para sa check-up at binigyan ng counseling support mula sa lokal na pamahalaan. Sinabi ng pulisya na magpapatrolya sila sa paligid ng mga paaralan para maiwasan ang ganitong insidente.
Kasalukuyang nasa custody ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse.