
Ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nangakong magbibigay ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunod-sunod na lindol sa Davao Oriental. Aabot sa 166,000 pamilya ang apektado, may halos 500 bahay ang nasira, at tatlo ang namatay. Kasama ang ilang miyembro ng gabinete, binisita ng Pangulo ang probinsya at tiniyak na hindi sila pababayaan.
Ayon kay Marcos, bukod sa tulong ng DSWD, magbibigay rin ang Office of the President ng pondo. Naglabas ito ng ₱158.3 milyon para sa mga lugar na tinamaan ng lindol: ₱50M para sa Davao Oriental, ₱10M para sa Mati City, at tig-₱15M para sa mga bayan ng Manay, Banaybanay at Lupon. Ang mga bayan ng Tarragona, Baganga, Boston, at Cateel ay nakatanggap ng tig-₱10M, habang ang Caraga at San Isidro ay tig-₱5M, at ₱3M naman para sa Governor Generoso.
Namahagi rin ang DSWD ng tig-₱10,000 sa ilang pamilyang direktang naapektuhan at nagbigay ng hot meals sa ilalim ng Mobile Kitchen Program. May plano rin ang Department of Human Settlements na magbigay ng ₱20M cash aid, 150 modular houses, at ₱5M halaga ng materyales para sa pagpapatayo ng mga bahay. Bukod dito, ang mga pamilyang tuluyang nawalan ng tahanan ay makakatanggap ng ₱150,000 bawat isa.
Binisita ng Pangulo ang mga nasirang pasilidad gaya ng Manay District Hospital at Manay National High School. Napansin din niyang mainit sa mga tent na pansamantalang tirahan, kaya’t tiniyak niyang papalitan ito ng mas matibay at komportableng modular shelters. Binigyang-diin din ng Pangulo na dapat mas matibay at ligtas ang mga ipapatayong gusali lalo na sa mga lugar na malapit sa fault line at madalas daanan ng bagyo.
Nanawagan ang Pangulo sa mga lokal na opisyal na huwag mahiyang ilapit ang kanilang pangangailangan. Tiniyak niya na mananatili ang tulong ng gobyerno hanggang sa makabalik sa normal ang pamumuhay ng mga residente. Mayroon pang ₱12 bilyon contingency fund at maaaring dagdagan mula sa iba pang pondo kung kinakailangan.