
Ang Ombudsman Jesus Crispin Remulla ay naghahanda na ng kaso laban sa 12 hanggang 15 Cong-tractors na sangkot umano sa anomalya sa mga flood project. Ayon sa kanya, nasa 100 hanggang 200 tao ang iniimbestigahan at 67 dito ay mga kongresista na may kaugnayan sa kontrata.
Sinabi ni Remulla na may mga kasong madali nang isampa habang ang iba ay kailangan pang palakasin ang ebidensya. “Alam natin na may kaso, pero ang hamon ay paano patunayan ito sa korte,” sabi niya.
Bukod dito, plano rin niyang buksan muli sa publiko ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal, kabilang ang kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, Pangulong Marcos at Bise Presidente Sara Duterte. Maglalabas siya ng memorandum sa Oktubre 15 para baligtarin ang dating limitasyon sa paglabas ng SALN.
Ipinaliwanag din niya na dapat may malinaw na dahilan ang mga humihingi ng SALN, lalo na kung ito ay gagamitin para sa investigative journalism. Kapalit ng pagbibigay ng impormasyon, nais din ng Ombudsman na makatanggap ng datos mula sa mga mamamahayag.
Dagdag pa ni Remulla, posibleng alisin ang ilang sensitibong detalye sa SALN upang maprotektahan ang pribadong buhay ng opisyal. Plano rin niyang gamitin ang tulong ng publiko sa lifestyle checks sa pamamagitan ng crowdsourcing.