Ang isang lalaki ay sugatan matapos barilin ng dalawang holdaper sa loob ng isang tindahan sa Barangay Katipunan, Quezon City. Nakuhanan ng CCTV ang insidente na nangyari pasado alas-singko ng hapon noong October 8. Makikita sa video na parehong naka-pulang t-shirt at naka-face mask ang mga suspek.
Bumunot ng baril ang mga kawatan at tinangkang kunin ang gamit at alahas ng biktima. Nang tumanggi ang lalaki, binaril siya sa hita bago mabilis na tumakas gamit ang Honda motor. Agad nagkaroon ng follow-up operation ang mga pulis at sa tulong ng LTO database, nahanap ang plaka ng motor na nagdala sa kanila sa Rodriguez, Rizal.
Nalaman ng mga pulis na pinsan ng mga suspek ang may-ari ng motor. Sinalakay ang bahay noong October 9 at nahuli ang isang babae na kasama ng mga suspek. Sa loob, nakuha ang ilang armas, baril at explosives na ginagamit umano sa carnapping at iba pang krimen.
Ayon sa imbestigasyon, may 14 kaso ng robbery at carnapping ang isa sa mga suspek habang sangkot naman sa droga ang kasama nito. Patuloy ang operasyon laban sa dalawang hindi pa naaresto.
Stable na ang kalagayan ng biktima. Ang babaeng naaresto ay nahaharap sa kaso ng obstruction of justice, illegal possession of firearms and ammunition, at illegal possession of explosives.