
Ang Cup of Joe ay nagpasabog ng saya sa unang gabi ng kanilang 3-day “Stardust” concert sa Araneta Coliseum, Cubao noong Oktubre 10, 2025. May temang “mission” sa iba’t ibang planeta, dinala nila ang fans sa isang interstellar journey gamit ang musika at makukulay na visual effects.
Naging galaxy ang stage sa tulong ng LED screens, habang nag-iiba ang kulay ng LED bracelets ng audience kada planetang pinuntahan — Crimson, Ivory, Pink, Green, at Blue. May 360-degree stage setup na may mga umiikot na planets, kaya mas ramdam ng fans ang cinematic vibes ng show.
Sa Crimson Planet, kinanta ng banda ang mga paboritong awitin tulad ng “Silakbo,” “Sinderela,” “Tataya,” at “’Wag Na Lang.” Pagdating sa Ivory Planet, kasama si Janine Teñoso, inawit nila ang “Mananatili,” “Tingin,” “Hulaan,” at “Ikaw Pa Rin Ang Pipiliin Ko.” Ayon kina Gian Bernardino at Rapha Ridao, ang Stardust ay tribute sa kanilang pagkakaibigan at sa fans na walang sawang sumusuporta.
Sa Pink Planet, kinanta nila ang “Estranghero” at “Sagada.” Nagulat ang lahat nang sumalang sila sa “Bagsakan” kasama si Gloc-9, habang bawat miyembro ay kumanta rin ng “Iris” ng Goo Goo Dolls. Dito pinakita ng banda ang kanilang versatility na labis ikinatuwa ng crowd.
Sa Green at Blue Planet, mas emosyonal ang mood sa mga kantang “Bubog,” “Pahina,” “Sandali,” “Multo,” at “Patutunguhan.” Mensahe ng banda: “Dapat i-validate ang feelings para makapag-heal.” Binigyang-diin din nila na kahit may chaos at pain, bawat isa ay may stardust na mananatili. Sa huli, nagpasalamat ang Cup of Joe sa kanilang fans: “Kayo ang bawat bituin sa bawat planeta ng aming kalawakan.”
Ang sold-out concert ay magpapatuloy hanggang Linggo. Tickets na nagkakahalaga mula ₱1,500 hanggang ₱6,500 ay mabilis na naubos.