
Ang Social Security System (SSS) ay naglunsad ng bagong MySSS Card na pwedeng gamitin bilang debit card at opisyal na ID para sa SSS transactions.
Ayon sa SSS, maaaring i-link ang MySSS Card sa savings account ng partner bank para mabilis at madali ma-access ang benefits, loans, at pensions. Magsisilbi na rin itong pangunahing disbursement account ng mga miyembro, kaya hindi na kailangan pang mag-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module.
Bukod sa SSS transactions, puwede ring gamitin ang card sa pamimili, pamasahe, at online shopping. May EMV chip ito at konektado sa biometric at National ID verification para mas ligtas laban sa pandaraya.
Paano mag-apply ng MySSS Card
Simula Oktubre 1, puwede nang mag-apply sa My.SSS Member Portal. Sundin ang mga hakbang:
Mag-log in sa My.SSS account. Kung wala pa, gumawa muna ng account.
Piliin ang “MySSS Card” sa menu ng Services.
I-update at i-confirm ang personal na detalye.
Pahintulutan ang SSS na i-verify ang iyong pagkakakilanlan gamit ang National ID.
Pumili ng partner bank at sumang-ayon sa terms para ma-share ang data sa bangko.
Makakatanggap ka ng confirmation sa My.SSS account at email.
Gamitin ang online app ng bangko o pumunta sa branch para sa verification at bayad.
Kapag handa na, ipapadala o puwede mo ring kunin ang card sa branch.
Release ng Card at Fees
Sa Metro Manila, matatanggap ang MySSS Card sa loob ng 15 working days matapos buksan ang account. Sa labas ng Metro Manila, inaasahang 20 working days. Ang application fee ay depende sa bangko, kaya siguraduhing bayaran sa itinakdang panahon para hindi makansela ang aplikasyon.