
Ang dalawang tao na nakuhanan sa CCTV na gumagamit ng credit card ng nawawalang mag-asawang negosyante sa Taguig ay sumuko na sa pulisya. Ayon sa CIDG-NCR, kusang lumapit ang mga suspek matapos silang matukoy ng mga awtoridad sa Recto, Maynila.
Nakuhanan ang mga suspek ng video habang bumibili ng mga cellphone sa mga mall sa Quezon City at Cavite gamit ang credit card ni Henry Pantollana. Maliban dito, nag-withdraw din umano ng pera ang lalaking suspek gamit ang parehong card.
Ipinakilala ng babae ang sarili niya bilang si Hazel Pantollana, na sinasabi raw na kapatid ni Henry. Depensa nila, binili lang nila ang mga credit card mula sa isang nagbabakal-bakal sa Quezon City at hindi sila sangkot sa pagkawala ng mga biktima.
Matatandaang nawawala na mula pa noong Hulyo si Henry at asawang si Margie kasama ang kanilang business partner na si Richard Cadiz. Ilang araw matapos silang mawala, napansin ang sunod-sunod na kahina-hinalang transaksyon gamit ang kanilang mga card, kabilang ang pagbili ng cellphone at pag-withdraw ng pera na aabot sa libo-libong piso.
Kakasuhan ang dalawang suspek ng paglabag sa Access Devices Regulation Act. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung may kaugnayan sila sa pagkawala ng tatlong negosyante. Nanawagan ang CIDG sa publiko na magbigay ng impormasyon na makakatulong sa kaso.