
Ang death toll sa Cebu earthquake ay umakyat na sa 72, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Tatlong bagong kaso ang nadagdag mula kagabi. Sa ngayon, mahigit 294 ang sugatan habang inaasikaso pa ang opisyal na beripikasyon ng mga datos.
Ayon kay OCD Region 7 Director Joel Erestain, walang naiulat na nawawalang tao, pero nagpapatuloy ang paghuhukay sa mga gumuhong gusali. Ang magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City ay nakaapekto na sa 47,221 pamilya o halos 171,000 katao. Tinatayang 20,000 residente ang napilitang lumikas.
Mula nang tumama ang lindol noong Martes, naitala na ng PHIVOLCS ang mahigit 2,400 aftershocks, kung saan ang pinakamalakas ay magnitude 5 na naramdaman bandang 10:46 p.m. noong Miyerkules. Ayon kay PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol, maaaring magpatuloy ang aftershocks ng ilang linggo, ngunit unti-unti rin itong hihina.
Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na huwag munang bumalik sa mga bahay na may bitak o halatang mahina ang istruktura hangga’t hindi nasusuri ng city o municipal engineers. Posibleng bumagsak ang mga gusaling ito kung muling tamaan ng malakas na aftershock.
Itinuturing ng PHIVOLCS na ito ang pinakamalakas na lindol sa kasaysayan ng Northern Cebu, na may Intensity VII sa Bogo City, Daanbantayan, Medellin, San Remegio, at Tabuelan.