
Ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay lumagda sa isang batas na lilikha ng isang independent regulator na mangangasiwa sa ligtas at maayos na paggamit ng nuclear energy at radiation sa bansa.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12305 o Philippine National Nuclear Energy Safety Act, itatatag ang Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM). Ang ahensiyang ito ang magiging pangunahing tagapamahala sa lahat ng may kinalaman sa regulasyon ng nuclear energy.
Ang PhilATOM ay may tungkuling protektahan ang tao at kalikasan laban sa masamang epekto ng radiation. Magbibigay ito ng mga lisensya para sa mga nuclear activities at sisiguraduhin ang pagsunod ng Pilipinas sa mga kasunduan kasama ang International Atomic Energy Agency (IAEA).
Kasama rin sa trabaho ng PhilATOM ang pagbabantay sa transportasyon, imbakan, at pagtatapon ng radioactive materials, pati na rin ang paghahanda para sa mga nuclear emergency kasama ang NDRRMC. Ang sinumang lalabag ay maaaring pagmultahin ng hanggang P100 milyon at makulong.
Ipinagbabawal din ng batas ang walang pahintulot na pagtatayo, operasyon, pagbebenta, at paggamit ng nuclear o radioactive materials, pati na rin ang maling pagtatapon ng radioactive waste.