Ang flood control project sa Candating, Arayat, Pampanga na natapos noong 2023 ay nasira lang makalipas ang isang taon. Mahigit P300 milyon na ang nagastos pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagagamit.
Ayon sa DPWH Secretary Vince Dizon at kay Mayor Benjamin Magalong, mali ang disenyo at kulang sa maayos na plano ang proyekto. Posible raw na nagkaroon ng gross negligence o kapabayaan.
Sinabi ni Dizon: “Gusto lang nilang kumita kaya gumawa ng project kahit mali ang plano.” Dagdag pa ni Magalong, susuriin nila ang measurements ng flood control dahil may parte na maayos pero yung iba naman ay hindi.
Nakaharap din nina Dizon at Magalong ang kontraktor na si Edgardo Sagum ng Eddmari Construction. Ayon kay Sagum, walang anomalya sa proyekto at nangyari ang pagkasira in good faith. Giit niya, sakop pa ito ng warranty kaya ang pagkukumpuni ay walang dagdag na gastos sa gobyerno.
Inanunsyo ni Dizon na isasama ang proyektong ito sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). May basehan daw para magsampa ng kaso laban sa mga responsable sa pagkakasira ng proyekto.