Ang aktres na si Gretchen Barretto ay nagsumite ng counter-affidavit sa Department of Justice kaugnay ng kaso ng 34 nawawalang sabungeros. Kasama niya ang kanyang abogado na si Atty. Alma Mallonga sa unang araw ng preliminary investigation.
Sa kanyang pahayag, muling itinanggi ni Barretto ang anumang kaugnayan sa pagkawala ng mga sabungeros. Ayon kay Mallonga, ang mga paratang laban sa aktres ay “walang basehan, walang ebidensya, at hindi kapanipaniwala.” Dagdag pa niya, ang testigo na si Julie Patidongan ay kulang sa kredibilidad.
Tumanggi si Barretto na magbigay ng komento sa kaso ngunit nang tanungin kung naniniwala siya sa patas na imbestigasyon, sinabi niya: “I trust.” Dumalo rin sa hearing si Patidongan at ang mga pamilya ng mga nawawala.
Itinakda ang susunod na pagdinig sa Setyembre 29. Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit, hinihintay pa nila ang iba pang dokumento mula sa PNP bago magdesisyon kung may sapat na ebidensya upang isampa sa korte ang kaso. Kapag walang matibay na ebidensya, maaari itong madismiss.
Matatandaang isinangkot ni Patidongan sina Atong Ang, Barretto, at tatlong iba pa bilang mga umano’y utak sa pagkawala ng mga sabungeros. Ngunit itinanggi ito nina Ang at Barretto. Si Ang pa nga ay naghain ng kasong kriminal laban kay Patidongan dahil sa kanyang paratang.