
Ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay nakikipag-usap sa South Korea para linawin ang pahayag ni Pangulo Lee Jae-myung tungkol sa umano’y hindi na itutuloy na loan para sa proyektong tulay sa Pilipinas.
Ayon sa DFA, naglabas na ng paliwanag ang Department of Finance (DOF) na wala nang nakabinbing loan application sa Korea para sa P28 bilyong proyekto, na layong magtayo ng 350 permanenteng steel bridges sa buong bansa bago matapos ang 2028.
Naglabas ng post ang Pangulo ng Korea sa kanyang Facebook page kung saan sinabi niyang ipinahinto ang loan dahil sa ulat ng posibleng korapsyon at dahil umano sa political pressure.
Nilinaw ng mga opisyal sa Maynila na matagal nang hindi tinutuloy ang usapan tungkol sa loan. Ayon kay DAR Secretary Conrado Estrella III, nagkaroon lang ng exploratory meeting noong Disyembre 2023 pero hindi ito nauwi sa loan application.
Kinumpirma rin ng DOF na noong 2024 pa tumigil ang Pilipinas sa paghahanap ng pondo mula sa Korea. Sa ngayon, pinag-aaralan ng gobyerno na France ang maging posibleng funder ng proyekto.