
Ang comedian na si Michael V. ay muling nagpakita ng kanyang galing sa parody matapos niyang gayahin si Sarah Discaya, ang negosyanteng nasasangkot sa isyu ng flood control projects. Sa kanyang social media, naglabas siya ng larawan kung saan naka-costume siya bilang “Ciala Dismaya” habang nasa mock Senate hearing.
Maraming netizens ang natuwa at mabilis na nag-react. May nagsabing, “Matagal ko na ‘tong inaabangan na gayahin ni Bitoy!” habang ang iba naman ay natawa dahil sobrang kamukha raw ng kanyang paggaya.
Noong Setyembre 1, unang humarap si Sarah sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng anomalya sa flood control projects. Kaya naman naging timely ang parody ni Michael V., na kilala sa kanyang husay sa paggawa ng mga socially relevant na comedy.
Sa mga panayam, ibinahagi ni Michael V. na ang sikreto ng kanyang tagumpay ay ang pagiging updated sa mga isyu. Ayon sa kanya, “Dapat socially relevant. Habang nagbabago ang lipunan, dapat sumasabay din ang comedy.”
Dagdag pa niya, kahit hindi siya mahilig sa politika, mahalaga na ang mga biro ay may laman at may koneksyon sa nangyayari sa bansa. Para kay Michael V., ang totoong hamon ay ang pagsabayin ang tawa at ang relevance sa lipunan.