Ang mga dating engineer ng DPWH Bulacan ay naglabas ng testimonya sa House hearing tungkol sa flood control projects. Ayon kay Brice Hernandez, iniutos umano ng kanilang boss na si district engineer Henry Alcantara ang pagkolekta ng pera para sa kickbacks, na sangkot daw sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva.
Ipinakita ni Hernandez ang mga litrato ng tambak na P1,000 at P500 bills, na nakalatag at hinati-hati para raw sa mga proponent. Sabi niya, ginagawa ito sa isang “tambayan” malapit sa opisina pero hindi mismo sa DPWH.
Naglabas din si Hernandez at Jaypee Mendoza ng chat logs mula sa Viber, kung saan makikita raw ang usapan ni Alcantara at Villanueva. Lumabas sa mensahe ang reklamo ni Villanueva tungkol sa DPWH at ang budget ng flood control projects. Sa huli, nagbanggit pa raw ang senador na “may atraso DPWH sakin.”
Kasama rin sa ebidensiya ang usapan noong 2022 sa iMessage sa staff ni Estrada. Ayon kay Hernandez, may proyekto raw na ipinadaan sa isang contractor. Pero depensa ni Alcantara, pawang “request lang” ng mga senador at wala siyang personal na koneksyon sa kanila.
Tumanggi si Alcantara na pumirma ng bank secrecy waiver, bagama’t sinabi niyang handa siyang ilabas ang kanyang SALN. Samantala, pumayag si Hernandez na buksan ang kanyang bank records at phone exchanges. Patuloy pang iniimbestigahan ng House Infra Committee ang anomalya sa ghost flood control projects sa Bulacan.