
Ang dating top security executive ng WhatsApp ay nagsampa ng kaso laban sa Meta sa San Francisco, dahil umano sa security failures at retaliation. Ayon kay Attaullah Baig, humigit-kumulang 1,500 engineers ang may access sa user data nang walang tamang oversight, na posibleng lumabag sa utos ng gobyerno noong 2020 na nagmulta ng halos ₱285 bilyon.
Sa reklamo, sinabi ni Baig na natuklasan niya sa internal test na maaaring ilipat o nakawin ang user data tulad ng contact info, IP address, at profile photo nang walang audit trail. Paulit-ulit umano niyang iniulat ang problema sa mga opisyal, kabilang si CEO Mark Zuckerberg. Pagkaraan, nakaranas siya ng negative reviews, verbal warning, at natanggal noong Pebrero 2025 dahil sa umano’y “poor performance.”
Idinagdag din sa kaso na hinarangan ng Meta ang pagpapatupad ng mga security features laban sa account takeovers na nakaapekto sa tinatayang 100,000 users araw-araw. Mas pinili raw ng kumpanya na unahin ang user growth kaysa kaligtasan.
Mariing itinanggi ng Meta ang akusasyon at sinabing umalis si Baig dahil sa poor performance. Ayon sa kumpanya, maraming senior engineers ang nagpatunay na mababa ang kalidad ng kanyang trabaho. Dagdag pa nila, hindi totoong siya ang “head of security,” kundi isang mas mababang posisyon lamang.
Si Baig ay humihiling ng reinstatement, back pay, at damages. Ang kaso ay dagdag sa patuloy na pagsisiyasat sa data protection practices ng Meta, na may bilyon-bilyong users sa buong mundo.