Ang Commission on Audit (COA) ay naglabas ng ulat laban sa ilang inhinyero ng DPWH-Bulacan at tatlong kontratista dahil sa maanomalyang flood control projects na nagkakahalaga ng ₱342.66 milyon. Ang ulat ay ipapasa sa Ombudsman para sa posibleng kasong kriminal at administratibo.
Kabilang sa mga pinangalanan ay sina District Engineer Henry Alcantara, Assistant Engineer Bryce Ericson Hernandez, at iba pang opisyal ng DPWH-Bulacan. Kasama rin dito ang mga opisyal ng tatlong pribadong kontrata—Wawao Builders, St. Timothy Construction Corp., at SYMS Construction Trading.
Isa sa mga proyekto sa Barangay Frances na sinasabing tapos na ay nakita ng COA na may sirang gawa at kulang sa dokumento. Sa Barangay Sta. Lucia, ang dike ay nakahilig, may bitak, at hindi maayos ang alignment. Sa Barangay Bulusan, may nakita ring P38.49M na diperensya sa halaga ng proyekto.
Sa iba pang barangay, natuklasan na kulang ang kinabit na bakal pero bayad pa rin ng buo ang kontratista. Pinakamalala, sa Barangay Piel sa Baliuag, walang anumang konstruksyon ang nakita kahit fully paid na ang ₱55.73M na proyekto.
Ayon sa COA, malinaw ang indikasyon ng ghost projects at overpricing. Kasabay nito, sinabi ni Public Works Secretary Vince Dizon na patuloy ang imbestigasyon at mas marami pang ulat ang isusumite sa mga susunod na araw.