Ang isang 18-anyos na estudyante sa Ichihara, Chiba Prefecture ay inaresto matapos umanong lasunin ang kanyang 53-anyos na tiyuhin. Dahilan umano ay hindi na niya matiis ang malakas na paghilik nito tuwing gabi.
Ayon sa pulisya, ang binatilyo ay nagtadtad ng dahon ng oleander, isang nakalalasong halaman, at inihalo ito sa miso soup ng kanyang tiyuhin noong Hulyo 17. Nang matikman ng biktima ang kakaibang lasa, agad niya itong idinura. Sa kabila nito, nakaranas pa rin siya ng pamamanhid ng bibig at pananakit ng tiyan kaya’t kinailangan ng agarang gamutan.
Lumabas sa pagsusuri na ang sabaw ay naglalaman ng nakamamatay na lason na oleandrin. Mabuti na lamang at nakaligtas ang tiyuhin at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Sa interogasyon, inamin ng binatilyo na plano niyang patayin ang tiyuhin dahil sa sobrang ingay ng paghilik. Siya ngayon ay nahaharap sa kasong attempted murder.