
Ang isang service dog na si Bingo ay nahuling minamaltrato umano ng kanyang handler sa loob ng compound sa Pasig City. Nakuhaan ng video ang insidente nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa nakakita na si Nicole, una’y inakala niyang naglalaro lang ang aso at ang handler. Pero napansin niya na hinahawakan na ang aso sa leeg, inaangat sa collar, at sinampal pa ito. Agad niya itong ipinagbigay-alam sa guwardiya ng compound.
Kinumpirma ng kumpanya na may hawak sa handler na nangyari ito habang nasa daily proficiency test ang aso. Agad na pinatawan ng preventive suspension ang handler at muling sasailalim sa retraining at reassessment.
Sinigurado ng kumpanya na si Bingo ay nasa maayos na kondisyon at walang injury. Ayon din sa tagapagsalita, patuloy nilang imo-monitor ang kalagayan ni Bingo at sisiguraduhin na ang mga hayop sa kanilang operasyon ay tratuhin ng may respeto at pag-aalaga.