Ang isang Amerikano na matagal nang nagtatago sa Cebu ay nahuli matapos lumabas na may kaso siya sa child sexual abuse sa U.S. Ayon sa awtoridad, si Thomas Scheuer ay 25 taon nang nagtago sa Talisay City at inakusahan pa na inabuso ang sariling anak. Isa pang banyagang pedophile, si Stephen Geoffrey Lund, ay nahuli rin sa bansa.
Nagpahayag ng galit si Senadora Risa Hontiveros, na nagsabing nakakakilabot na may mga dayuhang nagtatago sa Pilipinas para gumawa ng krimen. Aniya, dapat managot ang lahat ng nagtatangkang gawing kanlungan ang bansa ng mga sex offenders.
Kasabay nito, sinimulan ng Senado ang imbestigasyon sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa paggawa ng pekeng malaswang video o AI fake porn. Sa pagdinig, nagsalita sina Angel Aquino at Queen Hera na ang kanilang mga larawan at maging ang kanilang mga anak ay ginamit sa ganitong klaseng content. Lumabas na 95% ng biktima ay kababaihan at menor de edad.
Nagbabala si Hontiveros na maaaring gamitin ng mga kriminal ang teknolohiyang ito para mas mabilis kumalat ang abusive content. Kaya’t nananawagan siyang hulihin pa ang ibang posibleng nagtatago sa Pilipinas.
Bilang tugon, naglunsad ang CICC ng National Deepfake Task Force at hotline 1326 para sa mga biktima. Ipinatupad din ng DICT ang 24-oras takedown protocol laban sa ilegal na site at nakipag-ugnayan sa telcos para i-block ang malaswang content online.