Ang sikat na Gloria funicular sa Lisbon ay nadiskaril nitong Miyerkules, na nagdulot ng pagkamatay ng hindi bababa sa 15 katao at pagkasugat ng 18 iba pa. Nangyari ang insidente bandang 6:15 ng gabi sa malapit sa Liberty Avenue, isa sa mga kilalang lugar ng turista.
Sinabi ni Mayor Carlos Moedas na ito ay isang “tragedya na hindi pa naranasan ng lungsod.” Idineklara ng mga awtoridad ang Huwebes bilang araw ng pambansang pagluluksa. Ayon sa mga rescuers, nakalabas na lahat ng biktima sa mga guho, kabilang ang ilang mga dayuhan.
Ayon sa mga saksi, ang funicular na kayang magsakay ng 40 pasahero ay bumaba sa matarik na kalsada nang walang preno at sumalpok sa isang gusali. “Parang kahon na gumuho sa lakas ng bangga,” wika ng isang babae.
Sinabi ng operator ng pampublikong transportasyon na nasunod nila ang lahat ng maintenance protocols, at matagal nang hawak ng isang kontraktor ang pagkukumpuni ng funicular. Sa kabila nito, nanatiling tanong kung paano nangyari ang malagim na aksidente.
Ang Gloria funicular ay itinayo pa noong 1885, ginawang de-kuryente noong 1915, at regular na ino-overhaul kada apat na taon. Isa ito sa mga pinakatanyag na simbolo ng Lisbon, madalas na makikita sa mga souvenir at dinarayo ng maraming turista.